Tuesday, August 11, 2009

INUTIL....

THIS IS THE PERSONAL STORY OF MY ORDEAL ONE NIGHT, LATE 2001.

NASA ISANG BAR KAMI SA MANILA NUN NG BIGLA NA LANG DAMPUTIN NG WALANG KAMALAY MALAY. AKO ANG MINALAS NA NAPAGTUUNAN NG SOBRANG "ATENSYON." MATAGAL KO NG NILUKLOK ANG ISTORYANG ITO SA PANULAT. NAKATAGO SA ISANG USB. NAGAANTAY KONG KAILAN KO MAILALABAS. AT NGAYON, SA NANGYARI SA AKING KAPATID, HINOG NA ANG PANAHON.

NILALABAS KO NA TO UPANG MALAMAN, SINUMAN ANG MATAMANG NAGBABASA SA KASALUKUYAN, NA NARANASAN KO RIN ANG MAGING API NG ISANG MALING SISTEMA, NG ABUSO, NG KAWALA NG TAMANG PROSESO NG BATAS.

SA NGAYON, WALA NA AKONG SAMA NG LOOB SA NANGYARING ITO. GANUNPAMAN, SA MGA ILALAHAD KO RITO NGAYON, MULING AALAB ANG PAGASANG MAS MABIBIGYAN NG KARAMPATANG PANSIN ANG NANGYARI SA AKING KAPATID....

SA INYO, SA MGA TAO SA LIKOD NG PANGYAYARING ITO, KILALA NYO KUNG SINO ITONG NAGSUSULAT NGAYON. ALAM NYO RIN KUNG BAKIT AKIN NA TONG INILABAS.

SIR, IKAW NA HULING KUMAUSAP AT NAG "DE BRIEF" SA AMIN, ANG HULI KONG SINABI SA YO EH "I WISH WE COULD HAVE MET IN BETTER TIMES." AND YOU ANSWERED, "MAYBE SOMEDAY WE'LL MEET, OR MAYBE ONE DAY I MAY BE ABLE TO HELP YOU." I HAVE JUDGED YOU SIR, BY THE WEIGHT OF THE SINCERITY IN YOUR VOICE AS YOU ASKED FOR APOLOGY ON THAT VERY CLEAR CASE OF MISTAKEN IDENTITY. YOU ARE A GOOD GERMAN SIR. AND MAYBE MORE FROM YOUR GROUP ARE TOO.

KNOW THAT I HAVE NO INTENTION OF PURSUING THIS FURTHER TO A PUNITIVE END, NOT NOW NOT EVER. I BELIEVE WE ALL CAME OUT OF THIS KNOWING A LITTLE BETTER.

BUT THERE IS SOMETHING I WOULD LIKE TO ASK OF YOU:

PLEASE GENTLEMEN, WHEREVER YOU ARE NOW, IF YOU CAN IN ANY WAY, BEHIND THE SCENES OR AS SUBTLY AS YOU POSSIBLY COULD, HELP MY FAMILY FIND JUSTICE FOR MY SISTER, I WILL FOREVER BE GRATEFUL. I WAS YOUR VICTIM ONCE, BUT KNOW THAT IN MY HEART WE PARTED AS FRIENDS. YOU HAVE STRENGTHENED ME IN MANY WAYS AS THE YEARS WENT BY. YOU SHOWED ME THAT ONE COULD STARE DEATH IN THE EYES AND KNOW THE FEAR AND FUTILITY OF FACING DEATH, BUT STILL CONTINUE LIVING AFTER THE TEMPEST HAS PASSED. TO CONTINUE TO BE EMBOLDENED, TO OBSERVE HUMANITY PASSING BY AND PROMISING THAT IN THAT ONE SPARKLING MOMENT, ONE COULD MAKE A DIFFERENCE, ONE CAN SOUND THE CALL.

I ASK YOU THIS AS A FORMER VICTIM OF HUMAN RIGHTS ABUSE, AS A LAW ABIDING AND PRODUCTIVE FILIPINO, AS ONE GENTLEMAN ASKS OF ANOTHER.


BUT MOST OF ALL, I ASK YOU THIS AS ONE LOVING BROTHER CALLS OUT FOR JUSTICE FOR HIS BELOVED SISTER. HEAR ME! KNOW ME!

THIS AS I REMEMBER, WAS OUR STORY......


Inutil


Dilim. Yan ang tawag sa kawalan ng liwanag. Itim ang tawag sa kawalan ng kulay. Samantalang takot naman ang damdaming kabaligtaran ng tapang. Dilim, itim, takot; masuwerte ang mga katagang yan sapagkat nagbibigay sila ng sapat at solidong deskripsyon, na isang sandali lamang ay madaling rerehistro sa nakikinig. “Takot ka sa dilim eh kaitim itim mong tao!” Di ba wala pang isang saglit, alam na ng nakikinig na nangaasar ang nagsasalita? Siguro may kaibigang sunog ang balat sa araw na ayaw sumali sa larong taguan kung kaya’t inalaska. Pwede rin naman sabihin, “Magdilim sana ang buhay ng walanghiyang yan, walang takot sa nasa itaas at walang kasing itim ang budhi.” Isang pangungusap, pasok na pasok; sinumpa na pabulusok mula langit at pailalim tuloy tuloy hangang impyerno ang kung sinomang balasubas ang gumawa sa kanya ng kagaguhan.


Ako rin, merong isang halimbawa, eto oh; merong isang nagdilim na gabi sa aking makulay na buhay na napuno ng takot, dulot ng kaitiman ng intelehensya at maling pagkakakilanlan. Haba no? Parang pampilipit ng dila. Nais kong ipagpatuloy yan, linawin kung ano ang dahilan at kung paano nangyari. Ngayon ko lang siguro mailalahad ito ng may halong gaan ng pakiramdam, ngiti at kunting tawa. Higit din sa lahat, ng buong kaseryosohan. Matagal ko ring dinala ang bigat ng karanasang ito. Ang problema nga lang, kulang ako sa kataga at pangalan. Kaya’t sa bagay na to ay gagamitin ko na lang ang mga panghalip na “sila”, “kanila,” “kanya”at “nila”. Pansamantala nawang maging sapat sa pagbibigay pagkakilanlan ang mga panghalip na ito hanggang sa matapos ang aking munting sanaysay.


Taong dos mil uno, kalagitnaan ng repaso ko nun para sa nalalapit na pambansang eksaminasyon. Malapit lapit ko na ring matupad ang pangarap na pumalaot paalis ng bansa. Gradweyt ako ng pagka-seaman sa isang kilalang paaralan. Marami kaming sponsored ng isang agency na nagpapadala ng tao sa kanilang mga barkong pumapalibot din at ang biyahe ay pang buong mundo. Di naman sa pagmamayabang pero may nakuha rin tayong award ng magtapos, may husay din naman kung kaya’t medyo bugoy bugoy sa pagpasok sa review center dyan sa may malapit sa Roxas Boulevard. Balwarte ng mga marinero ang lugar na yun at malapit sa tinatawag na seaman’s park sa may luneta. Karaniwan ko ng iskedyul ang pagpasok lang sa unang araw ng lingo at sabay na kukuha ng mga handouts na papel at kung ano ano pang mga review materials. Matapos nito ay uuwi na ko sa aking probinsyang di naman kalayuan sa Maynila na tinatahak ng bus ng wala pang tatlong oras. Sa bahay ko na lang itutuloy ang pagaaral (sabay ng mga gimik).


Pero ng malapit na ang eksameng ito sa pagka-junior officer sa mga sasakyang pandagat ay naisip ko ng buuin ang ilang mga natitirang linggo ng pagpasok. Isang byernes sa mga panahong yun, niyaya ako ng isang kaibigan. Pre labas tayo. Wala akong pera pre eh. Ok lang yun sagot ko na muna. Darating din dun si Jun na klasmeyt natin. Kami ng dalawa ang gagastos. Ako naman palibhasa libre, aba eh sige.


Aaminin ko na ngayon pa lang na nalimutan ko na kung anong araw yun o maging buwan. Hindi ba kapanipaniwala? Mas lalo na siguro pagkatapos nitong aking paglalahad. Baka sabihin niyo napaka-unforgettable nyan para makalimutan. Pero sabi nga nila ang utak nga daw ay may kakayahang kalimutan ang mga mapapait at puno ng hilakbot na karanasan. Defense mechanism daw laban sa pagkabaliw. Di pa rin eh, matindi pa rin ang naging epekto nito sa kin. At ang sama pa, sa kalaunan to muling naglutangan na parang mga palitaw ng pighati.


Yun na nga, pumasok kami sa isang bar sa may Malate. Wala naman akong naramdamang anumang kakaiba. Kahit yung mga sinasabi nila na minsa’y nagkakaroon daw ang tao ng masamang kutob sa isang lugar, ako eh wala, talagang wala. Basta masaya lang ako at makakalibre ng toma. Di nagtagal ay salitan na ang puwesto namin sa pagitan ng dance floor at ng lamesa. Sayaw. Inom. CR. Papak ng pulutan.


Talaga namang buhay na buhay na ang aking dugo. Pinagpapawisan na ko sabay ng pakikinig at pagindak sa pang sayaw na tugtugin at tama ng alak. Maya maya, isang pagkakataon na nagpapahinga sa may lamesa, napansin ko na lang na matama ang pagtingin sa akin ng isang waiter. Hindi pala, mga ilang waiter din ang nagdaaan na pinagmamasdan hindi lamang ako kundi ang aming grupo. Sa pagkakataong yun meron na ring sumabay na ilang seaman sa min na mga kaboard mayt ng isa pa naming kasamahan. Karamihan din sa kanila eh mga taga timog ng bansa, may Ilonggo, Cebuano at mas interesante, mga taga-Mindanao. Syempre minsan sa grupo ay gamit nila ang kanilang lokal na dayalekto kung naguusap. Sa huli na lang na paganalisa saka ko naisip na maaring may kinalaman at signipikasyon ang kanilang gamit na dila. Bagama’t sa pagkakataong yun ay di ko binigyan ng gaanong pansin ang atensyong nakatuon sa amin.


Ang huli kong naalala bago nangyari na “all hell breaks loose,” ay ang paglalaro ng isang game sa cellphone. Bigla na lang na may sumigaw ng “Walang gagalaw.” Maya maya pa ay may isang papalapit ng matulin, may dalang isang maliit na kris na nakatutok at wari bang isasaksak sa akin. Nanlilisik ang mata ng mamang ito na di ko kilala at di ko pa nakita sa aking tanang buhay. Pasugod. Nakataas na ang kutsilyong ang korte ay parang ahas na gumagapang, kaya’t sa pagaakalang isa itong away o gulo ay tumakbo ako papalayo. Nahulog ang cellphone sa sahig ngunit di ko na inantala ang sarili sa pagsibat palayo sa huramentadong may patalim para lang damputin yun. Di rin naman sa akin ang abang telepono, kundi sa kaibigan kong nagyaya.


Napansin ko sa panahong ito na biglang tumahimik ang kapaligiran at katulad ng sinasabi nila na sa oras daw ng panganib ay mayroong “heightening of senses,” ganun na ganun ang aking naramdaman. Dala na rin siguro ng pagsirit ng adrenaline sa aking dugo, parang si superman ang pakiramdam ko sa aking sarili. Kung ihahalintulad ko sa sine ay para akong si Leo di Caprio sa pelikulang “The Beach” ng habulin ng isang armadong tagapag bantay ng taniman ng marijuana na kanyang pinagnakawan. Sumisigaw ang lalaki at naaaalala ko ang mga salitang “WAG KANG GAGALAW, WAG KANG GAGALAW” at “TIGIL, TIGIL! WAG KANG TUMAKBO.”


Matulin na ang kabog ng aking dibdib at parang napakagaan ng buhat at galaw ko sa aking sarili. Malinaw ang aking pandinig ngunit bandang huli’y para akong nabibingi sa lakas ng daloy ng dugo, ngunit kahit ganun, pagkalinaw linaw ng aking paningin. Kitang kita ko ang puti ng ngipin ng aking antagonista kada buka’t sigaw ng kanyang bunganga. Napakalakas na rin ng aking mga tuhod, hita at braso. May humawak sa likuran ko at humablot ng aking kuwelyo, pero sa panahong yun ay mas pinili ko ng mahubdan ng pang-itaas na damit kesa tumigil sa paglayo. Tumawid ako sa isang mababang pader at tumalon sa mga lamesa habang sumisigaw ng “TULUNGAN NYO KAMI.”


Dun ko na lang napansin na medyo ako na pala ang sentro ng pansin sa buong lugar na yun. Lahat ng tao mula sa dance floor hanggang sa ika-lawang palapag ng bar ay nakasilip sa akin. Sa akin ding paglingon ay nakita ko ang mga kasamahan ko na naka-tumpok sa isang sulok ng bar, kinakausap ng isang grupo ng mga kalalakihan na may tali ng “Good Morning” towellete sa kanilang nuo. Hindi naman tayo inosente sa ganitong senaryo at nakakapanood din naman tayo ng mga pelikulang Pilipino kung kaya’t sumagi sa aking isip na diyata’t mga pulis itong mga taong to. Hindi ko sila mabilang ng mga sandaling yun pero sa aking sandaling paglingon sa humahabol sa akin, at sa aking mga kasamahan, biglang may dalawang humablot sa aking braso. Dahil basa na ako ng pawis at natabig na mga barell ng beer, isama pa ang mga pulutang aking nadaanan at nabalandra sa mga mesang nadaanan, madali akong nakahulagpos at tumakbo uli palayo.


Di nagtagal, nakita ko na marami ng nakamasid pero wala ni isang lumapit para tumulong, wari bang isa isa ng nasabihan o nabiglang babala ang bawat lamesa na may ganitong bagay na mangyayari. Di nagtagal ay nahablot din ako ng humahabol sa akin at sinalya ng pabagsak at latag ang tyan sa putikan at basang sahig. Nakatutok sa likuran ng aking leeg ang dala nyang kris, kung kaya’t di na ako pumalag ng talian ng “retractable wire” ang aking mga kamay. Bukod dun ay nakadiin ang isa nyang tuhod sa pagitan ng aking mga balikat.


Bagama’t ang aking pagkakita sa mga kasamahan kong maayos na kinakausap ay nagpalinaw ng kaunti sa nangyayari, di pa rin naalis sa akin ang mag alintana ng itayo na ko’t simulang pamartsahin palabas. Bukod pa dun eh piniringan na rin ako ng maliit ding tuwalya, yung tulad ng nakabalot sa “kanilang” nuo kung kaya’t lalo lang nadagdagan ang aking takot. Ng sa labas na ng bar, dun ko na napansin na nagsimula ng dumiin ang hawak sa braso ko ng isa sa “kanila.” Patulak na rin at pasadsad ang pagdala sa akin. Di ko napigilan ang aking sariling magpanic uli at sa akin ngang pagpiglas, di ako makapaniwalang naputol ko ang wire na itinali sa aking kamay. Sabay nun ay inalis ko na ang piring sa aking mata. Dun ko nakita na marami “silang” nakapalibot sa akin. Nagsisigaw ako ng “Tulungan nyo kami. Papatayin nila kami.” Itinulak ako ng isa pababa sa may ilang baitang na hagdan patungo sa mga nakabukas na isang van at isang puting service jeep. Dun ko napansin na nakaupo na at nauna ng naghihintay dalhin sa kung saan man ang mga kasamahan ko. Nasa van na lahat ng aking kagrupo. Nakapiring na rin silang lahat at tahimik na nagaabang.


Pero hindi ako, hindi ako basta bastang sasama na lang.


“TULUNGAN NYO KAMI. PAPATAYIN KAMI,” yan ang aking malakas na sigaw sabay hawak sa partisyong bakal sa harap ng bar. Talagang kumapit na ko ng matindi, napamulagat na rin ako ng sa gitna ng aking paghe hesterikal ay napansin kong marami na pala sa “kanila” ang nakapagbunot ng baril. Lahat din ito’y nakatutok sa akin. Kung di ako nagkakamali ay aabot ng anim hanggang walong baril ang nakaumang sa akin ng sandaling yun. Lalo lang dumiin ang aking pagkakayakap sa malamig na bakal ng daanan papasok. Sumisigaw ako dahil sa taranta at takot. Nagwawala ako sa dahilang di ko alam ang aking kasalanan, wala akong natatandaang ginawang paglabag sa batas. Kung meron man isa sa mga kasamahan ko na may kasalanan eh dapat yun na lang ang kanilang isinama o inaresto, kung pagaresto ngang matatawag ang “kanilang” operasyon. Matino akong tao. Malay ko nga ba kung isa salvage kami. Malay ko nga ba kung mga pulis nga “sila.” Bukod dun, malaking parte na rin ang nagawa ng alkohol at adrenaline sa akin sa pagbibigay ng lakas ng loob sa pagpumiglas. Di nila ako basta basta na lang madadala.


Sa gitna ng aking pagsigaw ay meron pa rin naman akong rason at sa totoo lang ay malinaw pa rin ang aking isip. Kahit sino naman sigurong lango eh mahihimasmasan sa gitna ng ganung pangyayari. Alam ko rin na di pwedeng basta basta lumabas ang mga bala sa mga madidilim na butas ng “kanilang” baril. Napakaraming nakamasid, kumpulan ang mga tao at bukod dun napansin ko na propesyunal ang “kanilang” hawak sa dalang armas. Nakadistansya rin “sila” sa akin na wari bang umiiwas na baka maagaw ko ang baril ng isa sa “kanila”. Napansin ko na may bahid din “sila” ng alinlangan at wari bang dumisdistansya “sila” sa akin na parang isa akong mapanganib na hayup. Sa puntong ito wala pa ring linaw sa akin ang mga nangyayari.


“Tulungan nyo po kami,” sigaw ko pa rin at pagmamakaawa sa isa sa mga sekyu ng lugar inuman na yun. Nakita ko sa mga mata ng medyo katandaan na ring tagabantay ang awa at ganun na rin ang kawalang kakayahang makialam. Lalo lang lumakas ang aking hinala na maaari ngang mga pulis ang mga may dala sa amin. Bakit nga naman magsasawalang kibo ang mga taong yun kung di “sila” kabilang sa hanay ng maykapangyarihan? Ngunit malaki pa ring katanungan sa aking isip ang “bakit?” Bakit kami? Bakit ako? Bakit ganito?


Sa gitna ng pagkapit ko ng madiin sa aking salbabidang bakal, may isang lumapit sa akin. Bigla na lang “niya” akong sinipa sa mukha sabay sigaw ng “ABU SAYAFF YAN! WAG NYONG TULUNGAN YAN!” Ayun, medyo nagkarun na ng kunting kalinawan sa akin ang isang parte ng misteryo. At katabi ng kalinawang ito ang panibagong usbong ng pagkalito at pagalumihan. Sa panahon kasing yun, di maikakailang masigasig ang kampanya ng gobyerno laban sa terorismo at tinawag nga ang Pilipinas na “ally” o kakampi ng pamahalaang Estados Unidos sa gyera laban sa terorismo. Ito matapos ang insidente ng Setyembre labing isa.


Pero ano naman ang kinalaman ko sa Abu Sayaff na yan? Hindi ako myembro ng grupong yun. Katoliko ako. Yan ang mga agam agam na tumatakbo sa aking isip. Hindi pa rin ako bumitaw sa aking pagkakakapit at di pa nakuntento ang sumipa sa akin at sinundan pa ng di ko na maalalang beses sa ibang parte ng aking katawan. Marahil dala na rin ng pagkahilo at pagkayanig ng aking mukha at kaalamang makakapagpaliwanag pa rin ako bandang huli, napabitaw na rin ako sa aking pinagkakapitan at muli akong idinapa ng malalakas at mararahas na kamay upang palitan ang taling wire sa aking braso. Mas diniinan na rin ang piring sa aking mga mata. Pero ang di ko makakalimutan ay sa mga sandaling yun, waring wala akong nararamdamang sakit. Dala na rin siguro yun ng kakayahan ng isang tao na tumanggap ng di alintanang sakit sa gitna ng panganib. Kumbaga sa ingles ay “survival mechanism kicking in.”


Binuhat na “nila” ako papunta sa isang service jeep. Sumagi pa sa aking isip na ganung ganun ang service namin nung elementary ng mapagawi ang aking tingin dun nung kasalakuyang walang piring. Pero wala naman akong naalalang pagkakataon na ganun ka-sapilitan ang pagpasok sa eskwela. Sa loob, isinalya akong parang baboy na nakataob uli at lapat ang tiyan. Unang ipinasok ang aking paa at ang aking ulunan ay itinapat sa may tambutso. At ang masama pa, nauna ng tumakbo palayo ang van na kinalalagyan ng aking mga kasama at naiwan ako. Solo ako sa sasakyan.


Matapos na mailagak ay may tumawag sa radyo, “Sir secured na ang palaka.” Aba, at palaka na pala ako ngayon, tanong ko sa sarili. Sa totoo lang, kahit sa gitna ng aking kinahaharap, meron pa rin di maiwasang panloob na ngiti, naging palaka kaya ako dahil sa pagtalon talon ko sa mga lamesa o pagpisag pisag na parang kung anong dulas na palakang bukid? Ilang beses din naman kasi akong nahablot ngunit nakawala pa rin.


Ngayon na rin lang ako magtatanong, na kung ako si palaka, sino kaya ang ”kanilang” naging pagong? O naging unggoy? O ahas? Sino pa kaya ang mga katulad kong walang malay o kahit yung mga may sala na ginamitan ng ibang pangalan sa radyo, pangalan ng hayup o walang buhay na bagay, o anupaman? Katulad ko rin kaya ang mga taong yun na itinapat ang mukha sa usok ng tambutso ng bumabarurot na sasakyan, na di makahinga ng maayos sa kulang na isang oras na byahe tungo sa kung saan mang istasyon pinagdalhan? Na sa gitna nun ay paulit ulit na sinasaktan at nagtatanong sa sarili kung bakit? Nagmakaawa rin kaya sila at sumisigaw na “ang wallet ko, baka mahulog” ng paulit ulit? Sumagi rin kaya sa isip ng mga biktimang ito na kailangan nila ng pagkakakilanlan at identipikasyon kung kaya’t di dapat mawala ang kanilang ID o anumang bagay na magpapakilala sa kanilang tunay na katauhan bilang inosenteng mamamayan? Sa gitna kaya ng dinanas na pagmamaltrato ay gumagana pa rin ang pasilidad ng kanilang utak para makaligtas? Katulad ko rin kaya silang solo sa “service vehicle” dahil naituring na “volatile suspect?” Magisa rin kaya sila sa sasakyan na nagmakaawa sa gitna ng maraming tinatamong suntok, tuhod at batok?


Kung makikita at makakausap ko “sila” ngayon, ang sasabihin ko sa “kanila” ay dapat na tinawag nila akong “buwaya!” Sasabihin ko sa “kanila” na ang mga pagarte ko nun ng iyak ay “crocodile tears” lamang upang kahit paano’y maawa “sila” sa akin. Sasabihin ko na habang may sumasakal sa akin at naguudyok na sumigaw ng “Allah Akbar” ay hinahaluan ko na lang ng garalgal ang aking boses na nagsasabing “di po ako Abu Sayaff! Di po ako muslim,” sabay pag-huhuhu. Ipapaalam ko sa “kanila” na sa tuwing ganun ang ginagawa ko ay medyo humihina o nababawasan ang suntok. Sasabihin ko sa “kanila” na sa tuwing ako’y nagiiyak-iyakan, merong boses na nagsasabi na “tama na muna bok.” Ipapaalala ko dun sa nagsalita na di kailangan pa ang aking luha upang sabihan ang kanyang mga kasamahan na tao pa rin silang may awa- kahit isantabi na lang muna nila ang propesyonalismo eh, yun na lang magpakita naman ng damdami’t habag sa kanilang suspek at hindi brutal na pagtrato na tulad nun. Muli, sasabihin kong di ako palaka, buwaya maaari pa. Ngunit ang “buwayang” yun ay sa konteksto lamang ng ekspresyong idioma.

Papaalala ko sa “kanilang” meron pang mas higit na “buwaya.” Siguro meron sa kanilang masasapol (o marami?), kaya hindi na lang, sasabihin ko na lang na naginarte lamang talaga ako at wag nilang isiping naging iyakin ako sa mga sandaling yun. Papaliwanag ko na lang sa kanila ang dahilan ng aking mga bulaang luha’t paawa effect, na kailangan ako ng aking pamilya dahil pagasa nila ako sa pagangat sa buhay. Na ako ang kasalukuyang karamay ng aking natitirang mga kapatid sa kalungkutan ng pagkawala ng isa pang kapatid. Siguro ikukuwento ko na rin sa “kanila” ang ilang masasaklap na karanasang inabot namin. Ipapalam ko na ako na ang tatayong padre de pamilya kung sakaling makaalis matapos ang eksamen. At tatanungin ko “sila” na sino ba ang gustong mamatay ng walang kabuluhan, sa kamay ng mga taong di nya kilala? Sino ba ang gustong mabasag ang tahimik na pamumuhay at paghahanap aliw sa gitna ng pressure ng pagaaral- ng mga baril at kris, ng mga suntok at sipa, ng pagtapat ng ilong ng matagal sa nakasusulasok na usok, kahit wala namang naalalang masamang nagawa?


Sasabihin ko rin sa kanila na isang dahilan kaya ko nailalahad ito ngayon ay ang aking pagsubaybay sa kuwento ni Jonas Burgos. Alam kong isa lamang siyang halimbawa sa mga libo libo pang nawala at di na uli nakapiling ng kanilang pamilya. Sa isang banda, hinihiling ng aking puso’t isipan na sana’y di sya nagdusa. Sana ri’y hindi siya pinatawan ng tinatawag nila ngayong “EJK” o Extra Judicial Killing.


Siguro ikukuwento ko rin sa “kanila” ang ilang istoryang naibahagi sa akin mga nakasama kong dayuhang opisyal. Sasabihin ko na sa Denmark ay walang ganitong bagay, na ang kalayaang sabihin at ipahayag ang kanilang damdamin at sarili, magtipon at magprotesta ay parte ng kanilang batas at nirerespeto ng lahat. Na sa lugar na yun sa norte ng Europa ay malaya ang lahat, merong partidong legal ang mga kumunista sa parliamento at isinusulat at isinasalarawan ng mga peryodiko ang mga pananaw at editoryal ng walang takot. Hindi nga ba’t nagkagulo pa sa nangyaring pagimprenta sa guhit ng isang kartonista sa propeta ng Islam sa isang sikat na dyaryo ng bansang yun? Isang pagguhit na nagresulta sa kilos protesta ng mga kapatid nating muslim dahil sa diumano’y pambabastos sa kanilang pananalig. At sa bagay na ito, sasabihin ko sa “kanilang” wala akong radikal na prinsipyo sa relihiyon, na respeto ang aking alay anuman ang denominasyon ng isang nilalang. Sa aking pansariling paniniwala, bilang isang mandaragat na rin, ang mga pagsamba ay iba iba lamang anyo ng mga katig, ngunit nakakabit sa iisang banka. Isa lamang ang patutunguhan at dadaungan ng sasakyang ito sa kalawakan ng dagat ng buhay patungong kaligtasan. Sasabihin ko rin sa “kanila” na ni sa hinagap, di ako magkakabit ng bomba sa sarili para lamang kumitil ng buhay ng mga inosente. Hindi ako terorista sa pangalan ng sinasamba. Hindi ako pabor sa ilustrasyong yun, binanggit ko lamang ito sa dahilang hanggang sa ganung bagay ay bukas ang isip ng lahing yun sa pagtanggap sa paglalahad ng ideya at sarili ng kanilang kapwa.


Para na rin sa akin (at alam kong di ako nagiisa sa opinyong ito), lahat ng halimbawang aking nabanggit, mula man sa ibang bansa’y repleksyon pa rin ng wastong tama para sa lahat. Matibay itong batayan ng galaw ng isang sibilisadong lahi. Ang pangunahing konklusyon ko tungkol dito, napakahalaga ng karapatang pantao ng bawat nilalang. At kasama nga sa karapatang yun ang maayos na pagka-aresto ng walang bayolenteng pananakit. Lalo pa kung nasa panig ng awtoridad ang dami at armas, at higit pa kung laban lamang sa nagiisa at walang laban. Andun din ang maayos na representasyon at paglalahad ng karapatan ayon sa saligang batas bago dalhin ang sinuman. Hindi nga ba’t sinasabing inosente tayong lahat hangga’t di napapatunayan ang anumang bintang? Sabihin nating sa “kanilang” mga mahal sa buhay mangyari ang ganung bagay, di man ngayon kundi sa hinaharap, o sa sandaling mga wala na rin ”sila” sa kapangyarihan at serbisyo, ano kaya ang“kanilang” magiging opinyon?


Sa isang positibong banda, kung makikita ko kahit sino sa “ kanila”, magpapasalamat pa rin ako at ako’y humihinga pa rin. Salamat sa “ kanila” at walang kabadong nakahila ng gatilyo, na muntikan ng magpa- forced eviction sa akin sa Bansa ni Kuya ng habambuhay (kung may buhay pa). Orwellian ang paggamit ko sa Big Brother pantukoy sa “kanila,” ngunit sa nangyari sa amin matatawag din itong Big Blunder. Salamat din at kahit sa pagkakataong napuwing ang mata ni Kuya sa intelehensya (alam kong suntok sa buwan ang hiling na to-pero sana sa amin lang nangyari ang ganung kaso ng false identity), kahit pano’y naisalba pa rin “sila” sa pagkitil ng inosente ng “kanilang” gamay sa armas. Nawa sa susunod, sa tamang “palaka” na yaong mga baril na yun maitutok. Salamat din sa “kanila” at hindi isang walang laman na nitso ang magpapaalala sa aking mga minamahal na minsan ako’y nabuhay. Salamat at hindi kailangang magtirik sa puntod na yun para sa aking alaala. Ngunit kung nagkaganun man, alam kong kada puting kandilang ititirik ng aking naiwan para sa akin, may katapat itong kulay itim- para sa “kanila.”


Salamat din at di na makakapagyabang sa akin ang barberong madalas gumupit sa akin sa mga kwento nyang dekada sitenta. Nakultapan lang naman si manong ng isang sundalo dahil hippie ang buhok, minsan ding na curfew at pinagupit ng mga damo sa kampo ng militar. Marami pa siyang brutal na kuwento nagpapatungkol sa iba pa nyang kakilalang naging biktima ng opresyon, pero sa aking palagay ang dalawang yan lang ang pinakamalapit sa katotohanan. Nakakatawa pero sino ako para humusga, ako na ni minsa’y walang nakahalatang nagdadala ng ganitong eksperiyansya? Hindi ko ni minsan ibinahagi sa kanya ang nangyari sa akin. Sa mga panahong ako’y nagbabakasyon sa lupa, sasalampak ako sa kanyang lumang upuan, bago pa man paulit ulit na kumagat ang gunting ay sisimulan ko na ng tanong, “manong kelan nga ba nag martial law?” at saliw na sa magaang kamay ang kanyang makuwentong boses. Mga kuwentong nangyari di pa man ako nabubuhay, ngunit sa pangkasalakuyang ngayon ay aking naiintindihan sa isang malalim at personal na paraan.


Salamat din sa pagharap sa amin ng nakatataas na yun sa “kanilang” grupo at kahit paano’y naging daan ang “kanyang”paghingi ng pasensya na mapagaan kahit pano ang aking sama ng loob. Bagamat wala akong maisasamang mukha sa pagalala sa “kanyang” boses, sa sandaling yun ay anghel ang tingin ko sa kanya mula sa likuran ng aking piring. “Mistaken Identity,” yan ang bungad sa amin ng isa isang kausapin at hingan ng paumanhin. Salamat sa matiwasay naman at puno ng pagpapasensyang pagpapalaya “nila” sa amin. Musika sa aking tenga ang kawalan ng lagapak ng kamaong tumatama sa laman. Aking laman. Uyayi para sa akin ang ugong ng sasakyan papalayo sa kung san mang lugar ng interogasyon na yun kami dinala. Maayos na rin ang aking paghinga at wala ng usok na nakatapat sa aking ilong. Naalala ko pa ang nakakatawang insidente kung saan bago bumaba’y binigyan “nila” ako ng madiing utos na wag muna tanggalin ang takip sa mata hanggang di “sila” nakakalayo. Di ko napigilan ang sarili kong alisin kagad ang piring di ko pa man naririnig ang tuluyang paglayo ng sasakyan at lingunin “sila.” Naaalala ko ang maingay na pagpreno ng “kanilang” sasakyan at ang bigla ko ring pagbaling ng tingin palayo sa kabilang direksyon upang ipakitang di ko nakuha ang licence plate ng kanilang sasakyan.


Kung matagal kaya ang aking naging masid at nakita ko ang plate number ng sasakyan “nila’y” hahayaan pa ”nila”akong makauwi? Kinikilabutan ako sa tuwing iniisip ang bagay na yun. Ito’y sa dahilang nangako “silang” sa may Malate uli ako ibababa, malapit sa kung saan kami dinampot, ngunit ng tuluyang magmulat ang aking mata mula sa matagal na pagkakatakip, matapos mahawi ang namuong matitigas na muta, isang malaking building na katayan sa may FTI ang bumungad sa aking harapan. Ang amoy ay namumuong mga dugo at balat ng hayup sa semento, ang tunog na nakabinbin sa ere ay lagutukan at pagkadurog ng mga buto at bagsak ng matatalim na mga kutsilyo. Napakalayo ng FTI, Taguig sa Malate. At alam kong may signipikasyon ang pagpapalaya sa akin sa harapan ng isang meat processing plant. Di kaya isa itong babala para sa isang may balak komokak na palaka? Bahala na. Kung babalikan “nila” ako, ang tangi ko na lang mahihiling ay gawin “nilang” matulin ang pagkatay at wag ng idamay sinoman sa aking mahal sa buhay, ganun na rin ang aking mga kasamahan na pinalaya din sa magkakalayong lugar. Kung mangyayari yun, ang huling bagay na nakaukit sa aking isip ay napakamura pala ng aking buhay. Tatlong libo. Eksakto. Dahil yan ang iniwan “nila” sa aking halaga matapos ang lahat ng aking dinanas, bayad marahil sa abalang dulot ng “kanilang” pagkakamali. Sa sandaling yun, sa pagbabalik ng aking o anong sarap imulat na paningin at malayang gamit ng matagal na naitaling mga kamay, ng aking hukayin mula sa bulsa ang malulutong na piraso ng papel na siniksik ng mabait na kumausap matapos humingi ng pasensya sa akin, nun ako nagkarun ng bagong deskripsyon sa salitang “galak.” Tinanong kasi ako bago pakawalan kung magkano ang aking pera, naging matapat naman ako sa pagsabing higit tatlong daan lang na sapat pang pamasahe ang natira sa aking wallet na aking pilit iniwasang mahulog sa gitna ng delubyo, na kinumpiska at muli rin namang ibinalik, wallet na naging susi sa aking tunay na pagkakakilanlan at kanilang kamalian. Di ko inaasahang ganun kalaki ang ipapalit “nila,” nataong kailangang kailangan ko din ng pera sa panahong yun. Sa paguwi ko kasi sa amin para sa weekend ay meron akong matagal ng planong ilabas at mukhang maitutuloy na. Inaasahan ko rin na ako ay sasagutin na nya sa aking panunuyo. Ang matamis na pagasang yun, ang payapang dampi ng bukangliwayway sa aking pisngi, ang todo bigay na pag-awit ng nadaanan kong ibon sa isang puno, ang liwanag ng ulap at kalangitan, ang kaalamang patuloy pa rin ang pagtibok ng aking puso at nararamdaman ko pa rin ang samyo ng hangin, yan ang mga bagay na pumapaibabaw sa aking damdamin at isipan habang nakasakay sa bus na bumabaybay patungong Monumento, sa istasyon ng pamprobinsyang biyahe patungo sa amin. Pauwi na ako. At buhay pa rin.


Hindi ko maipapaliwanag ang damdaming yun, kahit ilang salita man ang gamitin. Isa lang ang aking masasabi ng buong tapat at katotohanan, sa sandaling yun at sa aking murang edad, nun ka naramdaman na NAPAKASARAP pala talagang mabuhay. Dun ko rin naintindihan ang aking nabasang mga linya sa isang libro, na sa likod daw ng bawat mukha na ating makakasalamuha ay may natatagong epiko. At ang istorya na yun ay espesyal at para lamang sa kanya. At sigurado ako, sa loob lamang ng isang magdamag, napakaraming makulay at masalimuot na pahina ang nadagdag sa aking pansariling kuwento ng buhay. At marami man ang di makabasa nun sa aking mukha at anyo, ito’y naroon at habambuhay ng parte ng aking pagkatao.


Mahirap man isipin ngunit nasa “kanila” ang desisyon kung mananatili pa rin ako sa estadong yun (ang tumitibok ang puso, ang nakikita ang kagandahan ng mundo, ang humihinga) matapos tong aking sanaysay. Marami nga naman ang makakabasa. Ngunit sa mga oras na ito, sa aking pagtipa sa mga letra ng computer board, alam kong hinihimay at pinipiga ko na ang aking pagkatao, determinasyon at kaluluwa tungo sa isang napakalaking hakbang. Patungo yun sa katuparan ng aking pinaka-aasam na dalangin, ang muli kong manamnam ng walang bahid ng anumang agam agam ang sarap, kulay at ganda ng bawat sandali. Nawa ito’y makatulong at sa wakas ay magkarun ako ng tinatawag nila sa englis na “closure.”

Nagpapasalamat ako sa aking trabahong malayo sa atin. Sa mga panahong naririto ako sa dagat, nabubura ng trabaho at laot ang karamihan sa aking mga agam agam. Ngunit sa aking paguwi sa panahon ng bakasyon, di pa rin maalis ang matinding kabog ng aking puso sa tuwing papasok sa anumang lugar ng saya na matao. Kaliwa’t kanan ang lingon ko sa tuwing mapapadaan kahit sa labas lang ng ganitong uri ng lugar. Kabado ako sa tuwing may titingin sa aking estranghero. Minsan din sa gitna ng gabi ay babangon akong malapot ang pawis at nanginginig sa pagalala ng nangyaring yun sa akin.

Isinulat ko rin ito sapagkat ayaw kong magtapos ang aking kuwento sa aking sarili, marami pa rin akong panalangin at muni muning ninanais itawid sa diwa ng marami. Alay ko ang mga ito sa mga yumaong naglaho at sa iba pang nakaranas ng aking pinagdaanan. Nawa’y mawala na ang pagkabalot ng kadilimang tulad nito sa ating kapulisan at sandatahang lakas.

Ganundin naman sa aking patuloy na pagsubaybay sa mga kaganapan sa ating bansa, pinagpupugay ko at kinagagalak ang pagkakaroon ng ating bansa ng Writ of Amparo, nawa’y maging matagumpay itong sandata ng hustisya at pananagot. Hiling ko na sana’y dumating ang panahong magkaron ng pagkakataon ang mga naiwan ng magkapatid na Raymond at Reynaldo Manalo na malaman kung nasaan sila at makamit ang nararapat na hustisya. Ganun na rin kanila Sherlyn Cadapan, Karen Empeno at Jonas Burgos. Iilan lamang sila sa mga pinaghihinalaang dinukot ng mga sundalo ng kasalukuyang gobyerno. Alam kong ang pagkawala nila ay nagdudulot hanggang ngayon ng ibayong sakit at pagdurusa sa kanilang mga magulang at mahal sa buhay. Iilan lamang sila sa mga taong may pangalan at pagkakakilanlan na sa ngayo’y parang bulang nawala ang katawang lupa. At sa panulat na katulad nito, patuloy nawang manatiling maliwanag ang kandila ng kanilang alaala.

Kasama na rin dito ang napaka bagong balita sa ginawa ng militar kay Melissa Roxas, ang hirap at pangaabuso na kanyang inabot sa kamay ng mapaghinala at abusadong mga miyembro ng lakas sandatahan. Totoo ang dinanas ni Melissa, hindi ito gawa gawa lamang. Ito na ang sistema at paraan uli ng mapangahas na elemento ng ilang nakaupo sa sandatahang lakas, ang pangaapak at pagyurak sa karapatang pantao ng isang nilalang.


Hiling ko rin na sana’y patuloy “silang” gabayan sa “kanilang” mga aksyon at paglaban sa kriminalidad at terorismo. Batid ko ang mga panganib na “kanilang” sinusuong laban sa lahat ng elementong masasama, mula sa mga kumikitil ng buhay ng marami sa pamamagitan ng mga bomba ng galit hanggang sa mga malahalimaw na namumugot ng ulo ng walang bahid ni katiting na awa. Sana sa “kanilang” paglaban sa krimen at kabuktutan ng humanidad ay panatilihin pa rin “nila” ang kanilang damdaming makatao at isiping tayo’y nagkakamali sa maraming bagay, sa intelehensya, sa interpretasyon ng mga turong relihiyon, sa pananaw at sa prinsipyo. Na marami kaming napapagitnaan ng “kanilang” giyera’t pagsagupa. Lahat kami’y kapiling “nilang” namumuhay sa mundo. Kami ri’y mga asawa, anak, kapatid, magulang at anak. Kami ri’y minamahal at inaalala.


Malamang sa sinulat kong ito ay maraming magsasabi, ang tapang naman ng tao na to, sa kasalukuyang klima ng kaliwa’t kanang pagkawala at pagpatay sa mga nagsasalita laban sa establisimyento, hukbong lakas at kapulisan ay nagawa pa ring pumiyok. Bakit hindi? Sa pagdedesisyon ng isang nilalang, wala na sigurong kasing lakas magudyok pa maliban sa kanyang pansariling husga sa kung ano ang tama o mali. Sa pagkakataong ito, hinusgahan kong tama ang aking gagawin kaya’t ito na ngayon ang aking boses. Maging patak man ito na daragdag lang sa karagatan ng libo lĂ­bong sentimyento o maging isa sa mga rumaragasang batis na titibag ng dam ng kawalang malay ay ipagpapaliban ko na lang sa tadhana.


Alam kong di ako nagiisa at napakarami ring dumanas sa aking pinagdaanan. Yun nga lang merong malaking kaibhan ang mga taong mayroon namang angking kakayahan at talento na ihayag ang kamalian at paglabag sa kanilang karapatang pantao, ngunit mas piniling ilihis na lang ang pisngi sa pagwalang pansin at kalimot. Ang ibang nadadala pa rin ng takot ay di natin masisisi; takot sa dilim ng kanilang karanasan o marahil ay takot na magsuot ng itim na ribbon o pin ang kanilang mahal sa buhay kung sila’y “babalikan” ng kanilang babanggain.


Itim, dilim at takot, katulad ng mga abang katagang ito sa aking panimula na nagkarun ng sapat na deskripsyon, meron din tayong tawag sa mga mayrun o nagkarun naman ng sapat na tapang, di man agaran kundi sa pagdating din ng panahon, at hindi lang tapang, kundi isama na rin natin ang pagkakarun ng sapat na rason at pagtimbang sa tama at mali, pero sa kahuli huliha’y mas pinili pa ring itikom ang bibig. Ayokong matawag na ganun, oo tao rin akong may kimkim na takot sa kinahaharap at hindi sigurado sa kung anuman ang dala ng bukas, pero para sa aking matamis na paghinga ng kasalukuyan, sa aking pagtatapos sa kinikimkim na pait at trahedya, at para na rin sa kinabukasan ng ating mga anak at minamahal ganundin ng sa “kanila,” na magtatamo ng sana’y mas matiwasay at pinatibay na demokrasya, ayokong habambuhay ngumatal at manatiling....


“Inutil.”

1 comment:

Anonymous said...

ang hirap basahin kasi naman masyadong tagalog, sana hinaluan mo ng english para mabilis basahin...