Tuesday, August 11, 2009

PIRATES OF SOMALIA

21 April 2009
Bay of Biscay
SOMALIA















Kasalukuyang nasa dayroom kami ng dumating ang bagong balita mula sa Somalia, pinrint out ni Tano ang nasabing istorya at yun nga meron na naman daw barkong na hijack ng mga pirata. Tsk tsk. Pangilan na nga bang kaso yan? Eto na nagkuwento na si Mayor at yun nga daw sila din pala sa kasalukuyang barkong sinasakyan ko eh kamakailan lang galing din nagdaan sa Somalia.

Oh talaga yor?

Oo Sec, bago nga yun naka ankorahe pa kami sa may Fujairah at tinanong nga ang crew kung sino gusto sumama, marami din ang umuwi kasama na nga ang Chief Cook na pinalitan ko!

Eh yung sumama, buti napapayag nila?

Eh panong hindi buti na lang eto si chief mate kinausap si Tano nga na bigyan ng tig isang libo ang mga sasamang dadaan sa Somalia.












Laki nun ah. Isang libong dolyar sumama lang sa pagdaan ng barko sa Somalia….
Aba? Bat isang libo lang ang hiningi nyo? Tanong si Segundo makinista, tinatawag din naming Boss Dan. KOmedyante rin si Boss Dan at masarap kakuwentuhan, pero pag seryoso ang usapan eh seryoso din naman.
Langya, pumayag kayong isang libo lang?
Eh pano boss kung tatawid uli dun magkano ang hihingin natin, tanong ng inyong lingkod.

Lima, sagot nya. Di ko alam kung nagbibiro pa rin si bosing sa parteng yun.
At yun pa nagpatuloy na ang kuwentuhan hanggang may nagsabi, kala nyo ba mahirap ang pag na hostage ang barko? Di no, walang trabaho nun, hintay na lang tayo ng ransom at di naman pumapatay ng tao ang mga pirata eh di ba hehehe. Yun eh kung me raransom, banat naman ng isa. Eh eto namang si kadete na wala pang isang buwan sa barko bumanat din, eh Boss Dan ganun naman pala pag nahuli eh bat ang laki ng hihilingin natin samantalang wala naman pala trabaho sigurado wala ring overtime. Anong walang overtime, sagot ni bossing, kala mo ba hindi magoovertime ang utak mo kakaisip na baka mamaya makursunadahan kang patayin ng mga pirata? 24 hours a day kang magiisip nun loko! Hahaha. Sa parteng yun tawanan na ang crew at namula ang pisngi ni cadet.





















Yun ang light moment, ang punchline. Madalas sa barko, dinadaan na lang sa biro ang mga ganyang bagay, lalo pat nagpapatungkol sa mga delikadong parte ng propesyong pag seseaman, mga threat ika nga. Pero seryoso ang banta ng pamimirata ng mga Somalian sa parte ng Gulf of Aden at sa kosta ng Somalia, marami ng barko ang nahostage. Ayun sa nabasa ko, sa halos ilang barko din na nabitag ng mga piratang to, umabot ang bilang ng mga tripolante o crew sa 250. At sa bilang na to, mahigit nubenta ang pinoy, number one sa listahan. Halos 4 kada sampo eh kabayan… tsk tsk tsk… sabagay imposible ring walang pinoy dun o di kaya ay mahuli ang mga Pilipino sa listahan dahil numero uno ang bilang ng ating mga kababayan ngayon sa propesyong ito, malungkot na isipin lalo na pag narinig mo rin ang kuwento ng iba na minsan halos napabayaan na ng owner ng barko o di kaya eh dinelay pa ang pagbayad ng ransom, na wari bang binabargain pa rin sa usaping negosyo ang buhay at katawan ng mga tao sa barko. Tsk tsk.








Isa yan sa problema na masasabing napakalaki ng impact ngayon sa shipping. Isa pa eh masyadong naging bold o matapang na ang mga pirata lalo pat nakita nila na napakalaki at napakatulin ng pagkita ng pera . Andyan ang kuwento nung mga pirata na matapos mabayaran eh tumakbo pauwi sa Somalia galing ang speedboat kaso inabot ng masamang panahon, ang siste, nakita ang pirata sa batuhan na lasog lasog pero naka strap sa katawan at nakabalot ng plastic ang humigit kumulang kalahating milyong dolyar. At yun na rin, habang tumatagal eh gumagaling na ang modus operandi ng mga loko. Andyan at meron pang nagiging ahenteng Aprikano din na magaling mag ingles, at ang delivery ng pera eh maayos na nilang nanenegotiate kung san at pano. Bukod pa dun eh na nililinis na rin ng mga kakutsaba nilang matataas na tao sa bansa nila ang mga pera, money laundering ika nga. Naging komplikado na nga pero epektibong business enterprise ang pamimirata. Marami ding mga conspiracy theories na nagsusulputan, na kesyo parte pa rin to ng galamay ni bin Laden, o di kaya eh suportado to ng ilang mayayamang puti.

















Eto lang kumakailan, pumutok din ang balita tungkol sa panghohostage sa MAERSK ALABAMA. Bukod sa broadcast ng BBC at CNN, halos malaking balita din ito sa iba pang mga malalaking pahayagan ng buong mundo. May positibo ring kinalabasan ang nangyaring panghostage sa MAERSK ALABAMA, kung san nai- secure ng kapitan ang kanyang crew sabay pagturnover sa sarili bilang sole hostage. Syempre, nag flex na ng military muscle ang US at tinawag ngang one of the most daring and successful rescue operations ang pagkakapatay ng snipers sa mga may hawak sa kapitan sakay ng maliit na banka lang.
















Walang bilib si Capt. Richard Phillips sa nangyari, sinabi pa nyang “this is already a crisis.” Bagamat ganun na lang ang paghanga at pagrespeto sa kanya ng mga crew dahil sa katapangang pinakita, di siya nagsipsip o nagpapuri pa sa mga kabayang Amerikano, palibhasa alam nyang ang problema ay matagal na at waring nagtutulog tulugan lang ang ilang mga may “military might” nga na bansa. Maliwanag at malakas ang panawagan nyang “wake up, the crisis is already here,” di lang sya matapang at maprinsipyo sa dahilang ipinagpalit nya ang pansariling kaligtasan alang alang sa kanyang mga tauhan, kundi isa rin syang tunay na Marinero sa dahilang nandun pa rin ang kanyang simpatiya sa lahat ng seaman, di man nya kalahi. Dahil dyan, hanga ako sa ginawa ni Capt Phillips. World news ang nangyaring yun sa kanya, ang kanyang ordeal sa kamay ng mga pirata at ang hanggang sa fateful reunion sa crew matapos ang rescue operations. At ginamit nya ang kanyang naging makapangyarihang boses sa panawagang yun na sana na lang eh napakingan.


Ewan ko kung magkano ang hihilingin ko sakali mang dumaan sa Somalia ang barkong nasasakyan ko. Wala na yun sa isip ko dahil ganu man kalaki ang ibigay ng kompanya, di yun magiging sapat para pambayad sa buhay ko. Wala akong hihilingin kundi matapos na lang sana ang krisis na to. Mahirap na isipin na andyan lang yan at kung tutuusin eh napakadaling masugpo dahil concentrated lang sa isang area pero bat kailangang Amerikano pa ang mahuli bago ma highlight ng todo? La sa ayos, ano mang lahi ang nagiging biktima ng “scourge of piracy” na to, dapat eh pagukulan ng tamang atensyon sa umpisa pa lang. Yun lang! Wala sa ayos tong mga pirata na to, idol ko pa naman si Jack Sparrow!

Yan na lang muna ang ten cents worth ko. Di na ko magdadagdag pa ng opinyon o kuro kuro. Basta sana matigil na lang ang krisis na to. Isa pa eh gayahin ko na lang mga sinaunang seaman na superstitious at di gaanong nagsasalita ng maaaring mangyari, kasi baka maging self fulfilling prophecy. Baka sa susunod na biyahe ko dun eh dulo ng AK-47 ang bumulaga sa akin (tinuloy pa rin talaga no hehehe)…

click here

No comments: